Basahin: John 21:16
Isa ka bang pintor na nais maglingkod para sa mga tupa (at naliligaw) na mga tupa ng Diyos? O isa ka bang manunulat na may ganito ring pananaw?
“Ingatan mo ang aking mga tupa,” iyan ang bilin ni Jesus kay Simon Pedro. Biling maaari nating gawing personal kahit hindi man tayo mga pastol ng iglesia.
Kung mahal natin Siya, marapat lamang na mahalin din natin at pagmalasakitan ang mga tupang sumusunod sa Kanya.
Ingatan natin sila, sa paraang maging responsible tayo sa ating mga ipinapahayag kung tayo’y mga mangangaral.
Sapagkat hindi lingid sa atin na maraming mga “false phrophets” sa panahon ngayon kaya naman ang ating bawat ipinapahayag ay maaring mag-lead sa iba sa mga maling aral kung hindi tayo mag-iingat. Importanteng hingiin natin sa Diyos na gabayan tayo ng Ispirito Santo sa mga pagkakataong tayo’y nangangaral. Kailangan dito ang ibayong pananalangin para mapag-ingatan ang paniniwala at pananampalataya ng iba.
Ingatan natin sila sa ating mga mensaheng ipinapahayag sa ating mga iginuguhit o ipinipinta kung tayo’y mga pintor o artista.
Hindi lamang mga pastor or elders ng Iglesya ang nangangailangan ng ibayong pag-iingat para kapakanan ng mga tupa ni Kristo. Tayo ring mga gumagamit ng ating mga talento’y dapat na nag-iingat sa ating mga ginagawa. Talamak ang mga katagang “for the art’s sake” sa ibang mga pintor, artista at mga photographers, pero hindi sa mga Kristyiyanong nais gamitin ang kanilang mga talento para sa mga tupa ng Diyos. Ang ating mga ginagawa’y marapat lamang na nagpapahayag ng katotohanan at hindi ng kahalayan, nagpapakita ng kadakilaan ng Diyos, nagtataas sa ngalan Niya at hindi nagtataas ng sarili, naglilingkod sa Kanya at hindi sa pera.
Ingatan natin ang mga tupa sa ating mga panulat kung tayo’y mga manunulat o blogger.
Kay dali kasing magsulat sa panahon ngayon para lamang sumikat o kumita ng pera. Bilang mga manunulat na Krisiyano, ang ating mga panulat ay dapat na walang halong pansariling hangarin kung hindi pawang para lamang sa kapakanan ng mga taong nagbabasa nito. Minsan ng sinabi ni David Jeremiah sa kanyang aklat na Hopeful Parenting na karamihan sa mga manunulat na Kristiyano ay nagsusulat na lamang ayon sa atas ng mga kanilang mga publishing companies. Wala ng tunay na conviction para sa kapakanan ng kapwa nila Kristiyano at karaniwang para na lamang ma-meet ang deadline at kumita ng pera.
Ingatan mo ang aking mga tupa…
Ang lalim nito ay dapat lamang tumagos sa kaibuturan ng puso ng isang Kristiyanong nagpapahayag ng Salita ng Diyos anuman ang status niya sa buhay. Ang lalim ng kahulugan nito ay nagpapakita lamang na kailangan nating kalimutan ang ating mga sarili sa maraming mga pagkakataon alang-alang sa mga tupang tagasunod ni Kristo.
2 Responses to TT53 A Tagalog Devotional: Jesus Said, “Take Care of my Sheep”