“Hindi kita inutusan? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.” – Joshua 1:9
Napakalaki at napakatayog ng building na iyon sa Makati. Nakatayo ako sa harapan nito na parang isang tuldok sa paanan nito. Habang tinititigan ko ito, para itong nag-uuyam. Sinasabi nitong hindi ako nararapat dito, na isa lamang akong hampas-lupa sa harapan nito.
Napapikit ako.
Muli akong tumingala pagkatapos pero iniwasan kong tumingin sa building… tumingin ako sa alapaap at doon nakita ko ang Panginoon. Nanghihimok. Nag-aanyaya. Nagsasabing, “Kaya mo iyan, anak dahil higit namang mas mataas ako kaysa sa building na iyan. Sasamaha kita. Huwag kang mag-alala.”
Kaya naman kinain ko ang lahat ng aking takot at nagtiwala ako sa Kanya.
Pumasok ako sa loob ng building na iyon, nag-take ng preliminary interview sa abot ng aking makakaya… at nakapasa ako sa mga pagsubok.
Subalit kailangan ko pang mag-training sa susunod na dalawang Linggo.
Kailangan kong gawin ang lahat ng ito dahil natanggal na sa trabaho ang aking asawa. Napakabigat ng aming suliranin sa ngayon ngunit buong puso pa rin akong nagtitiwala sa Diyos.
“Panginoon, alisin mo nga po ng tuluyan ang takot at pangamba sa aking puso. Patuloy nga po ninyo akong palakasin, Ama sa pagharap sa pagsubok at mga dagok ng buhay. At patuloy po ninyo kaming tulungan sa aming pag-araw-araw na pangangailangan. Ganoon din po Ama, para sa mga taong may pinagdaraanan ding kagaya ng sa amin, abutin po Ninyo sila at bigyan ng pag-asa. Sa pangalan ni Hesus. Amen.”
1 Response to TT55: Trabaho (Job)